Monday, February 21, 2011

Hoy, ubusin mo na iyan dahil kung hindi isasaksak ko yan sa puwet mo!

Hoy, ubusin mo na iyan dahil kung hindi isasaksak ko yan sa puwet mo!
(THE FINAL CHAPTER: Kaya mo na bang tapusin? Ang manok mas madaling hulihin kapag pipikutin.)

Merong pagkaing hindi mo maubos pero ayaw mo pang alisin sa plato mo.  Merong pagkaing hindi mo maubos pero ayaw mo ipamigay sa kapwa mo.  Hindi mo siya maubos dahil ayaw mo na sa kanya talaga.  Ang problema nga lang ay hindi mo alam kung kakayanin mo ba kapag wala na siya.

Kapag bumili ka ng sapatos, dapat lagi daw may allowance.  Tama lang yan. Kapag nagmahal ka, magtira ka naman ng para sa sarili mo.

Nilalagay nga ba ang Coke sa lata, plastik at salamin na bote upang hindi ito maakyat ng mga langgam?  Masakit mangagat ang mga langgam.  Masakit din mangagat ang pag-ibig.  Kaya huwag mo sobrahan ang pagiging matamis mo upang hindi siya masuya at ika’y pagsawaan. Masakit.

Kapag umiinom ka sa baso na may lamang tubig habang ngumunguya ng pagkain, minsan yung kanin sa bibig mo ay bumabalik dun sa tubig.  Sa mga panahong ganito na mayroong nagaganap na balikan, mag-ingat ka.  Pansinin mo, pagtagal ng panahon, iyong butil ng kanin na iyon ay unti-unting dudurugin lamang ng tubig.  Lalo na kung murang klase ka lang ng bigas at “hindi ka naman talaga mamahalin”.

Bakit ba tayo nasasaktan ng letsugas na pag-ibig na iyan? 

Hindi ba natin pwedeng tularan na lang ang mga batang mahilig kumain ng yelo?  Baka kasi sa ganitong paraan, tayo’y mamanhid na lang at wala nang maramdaman.

Bakit yung mga bata kapag uminom ng tiki-tiki mas mapapabilis nilang malalagpasan ang mga yugto ng buhay nila?  Tayong matatanda ba hindi pwedeng daanin na lang sa marijuana para kalimutan ang problema?

Hindi mo din talaga mapaghahandaan ang papuputuking “Goodbye Universe” sa iyo ng puso mo.  Parang MMDA lang yan eh, sa halip na nagtatrapik sa kalsada ay mas gugustuhin pang magtago sa kung kani-kaninong saya para gulatin ka.  Mas unexpected, mas masakit.  Yung tipong akala mo masaya ang lahat, tapos isang iglap wala ka nang kalingap. 

At pagkatapos mong masaktan at maiwanan ay takot ka nang pumasok sa relasyong ginagapangan ng pagmamahalan.  Ang pakiramdam mo naman ngayon ay halintulad ng pakiramdam ng iba kapag nakakita ng pulis.  Parang mas nakakatakot.  Parang mas hindi ka ligtas.

Oh well, kahit handa ka pa, e wala ka pa ding kawala sa biro ng tadhana.  Wala kang kawala kay Kupido na tumira ng pana pero sa kili-kili lang tumama.  Ika nga nila, “Boy Scout laging handa, kapag sinapak laging bagsak.”

Inom kaya tayo ng Glo-herbal para mawala na ang mga sakit na dumadaing ng aray?  O sumunod na lang sa tinahak na landas ni Echigaray?  Tumakbo na lang ng matulin kahit magmukhang kulang sa pansin?  Subukan mo na lang kaya siyang buntisin?  Sabe ko nga sa sarili ko, “Ang manok mas madaling hulihin kapag pipikutin.”

Scene 1


Sa isang fx na kasalukuyang binabaybay ang Qurino Highway..


Driver: Naku trapik nanaman dito sa TV 5 niyan! Pasensya na ho ah. Matatagalan po tayo.


Mga pasahero: Ayos lang ho manong..


Isang pasaherong kupal: TSK!

Pagkaraan ng ilang minuto..15 minutes to be exact..


Isang pasaherong kupal pa rin: TSK! tagal naman! malalate na ko eh!


Aze (sa isip lang) : Sana magsara lahat ng butas mo sa katawan. (sabay ngiti)

Naranasan mo na ba iyan sa fx o jeep?  Ito ang classic example ng mga taong kung makasaltik, akala mo sila ang bumubuhay sa pamilya ng drayber.  Kulang na lang ay isisi sa drayber ang masikip na daan, milyon-milyong sasakyan at bilyon-bilyong fans ni Willie Revillame na sa gitna na ng kalsada kumakain, nagugutom, natutulog, gumigising, umiihi, dumudumi at nagpupusoy dos.

Nakakairita mairita at makakita ng taong naiirita.  Nakakainis mainis at makakita ng taong naiinis.  Eh anong gagawin mo? Ngingiti na lang? Gagayahin mo ang mga binatilyong naglalaro ng basketbol sa court ninyo?

Scene 2

Finoul ni Bloods si Hurricanes pero ang sabi ni Bloods hindi naman daw niya tinamaan (nadaplisan lang daw niya yung daliri) pero halos magmukhang makopa na tinubuan ng mukha na si Hurricanes dahil sa pagkakasampal ni Bloods.


Bloods: Hoy grabe! Hindi ko nga siya tinamaan e! Daliri lang eh! Puta naman! NANA! NANA kayo gago!


Hurricanes: Hindi sige, wala wala. Walang foul. Good! Good! (nakangiti pero pikon na talaga ang lolo mo)

Pagkaraan ng ilang minuto..15 minutes to be exact..


Hurricanes(tumakbo papunta kay Bloods at pinagsasaksak ito ng lapis): PUTANG INA MO! SINONG NANA?!?! TANG-INA KA! TANG-INA KA!


Bloods(naghihingalo):  tanginaaaa…mo..rin…


Aze(sa isip lang): Intense.


Hindi mo talaga maitatago ang hinanakit mo sa loob ng puso mo.  Lalabas at lalabas yan.  Lalabas at lalabasan ka.  Kaya’t kung binato ka ng bato, batuhin mo ng tinapay (na may palamang bato)!  Busalsalan mo sa bunganga ng inihaw na kuko ng dragon!  At kung meron nang nakukulong sa kasong “kakupalan”, ipademanda mo! 

Ilabas mo ang nararamdaman mo.  Huwag mong kimkimin.  Huwag mong hayaang lamunin ka ng problema mo.  Manghingi ka ng tulong sa pamilya, kaibigan at Panginoon mo.  Manghingi ka ng tulong kung kinakailangan dahil hindi ka si Grazilda, hindi ka cast ng Imortal at hindi ka driver ng jeep na kayang pagsabay-sabayin ang pagkuha ng bayad, pagsusukli, magbilang ng kita, pagkuha ng pasahero, pagsisigarilyo, pamboboso at pakikipag-usap sa MMDA. No man is an island, okay?

At paglipas ng panahon, makikita mo, gigising ka na lang isang araw na magkaibigan na kayo.  Tandaan mo, hindi habang buhay ang sakit na nadarama mo.  Hindi habang buhay iyang bungang araw sa likod mo.  Mamamatay din ang mga hinagpis sa iyong isipan.  Paglalamayan mo din yan habang pumapapak ng butong pakwan.

Kaya ubusin mo na iyan dahil kung hindi isasaksak ko iyan sa puwet mo!

By: Aze Eversen A. De Castro