Wednesday, September 29, 2010

Ang manok mas madaling mahuli kapag itlog pa lang.

Ang manok mas madaling mahuli kapag itlog pa lang.
(Manila Hostage Crisis, bakit hindi ka pa namatay noong bata ka pa?)

Noynoy:   Shit.  May sasabihin ako eh.  Nakalimutan ko.
Aze:   Ano yun?
       
Gaano ba talaga kahirap intindihin na ang ibig sabihin ng “nakalimutan” ay “hindi maalala”?  Gaano ba talaga kahirap pigilang magdikit ang dila’t gilagid upang hindi na mabigkas pa ang mga katagang “Ano yun?” kung narinig mo naman na sinabi na niyang nakalimutan niya? Natanong mo lang ba iyon dahil nakalimutan mo na sinabi niya na nakalimutan niya yung sasabihin niya?  Madali bang makalimot? O mas madaling makaalala?

Manila Hostage Crisis, kailan kaya ito makakalimutan?  Baka kapag natuto na tayong ibaling ang pansin sa hustisya ng sangkatauhan at hindi sa asal undin nating pagsisisihan?   Kasalanan ni ganito. Kasalanan ni ganyan.  Eh bakit hindi mo ipagsiksikan diyan sa kokote mo na pare-pareho lang tayong may kasalanan. Pare-pareho lang tayong makasalanan.

Tingin mo? Kung may pakielam talaga tayo, bakit hindi tayo lahat pumunta noon mismo sa Quirino Grandstand habang nangyayare ang pagsanib ni Satanas sa isang nilalang na hindi kayang labanan ang kademonyohan niya?  Bakit hindi tayo isa-isang nagmakaawa kay Mendoza?   Bakit hindi tayo nagpasa-pasahan ng mikropono at luhaang sabihing itigil na ang kahibangan niya dahil handa naman tayong tulungan siya?  Sa ganoong paraan ba e hindi pa rin siya makokonsensya? O iniisip lang natin na imposible iyon at magmumukha lang tayong tanga?  Oo, imposible.  Imposible kasi kinabukasan mo na nalaman na may nagyari palang hostage taking.  Abala ka kasi sa mga “kisses” mong nanganganak, dancing capsule na hindi mo mahuli-huli at mga dinosaur na kapag nilagay mo sa tubig ng timba ay tumataba.  Imposible kasi abala ka kay Anygma.

Ssssupot mo tol.

Ewan ko ba sa ating mga Pilipino.  Ako?  Noong mga panahon na iyon ay abala ako sa pagpuputok ng mga maliliit na plastik na lobo na matatagpuan mo sa mga binili mong appliance na nakapaloob sa kahon at “STYRO”.

Scene 1

“BAWAL UMEHE DETO. ANG MAHOLE BOGBOG!”

Aze (umihi sa pader):  Sinong tinakot nito.

Scene 2

“PUNYETANG-INA MO. SINABI NANG BAWAL UMEHE DETO EH! ANG MAHOLE BOGBOG NGA!”

Aze (katatapos lang umihi sa pader):  Putang-inang tarantado nagsulat nito ah.  Lakas magmura  amputa. Gago rin eh.

Hindi na makuha sa sindak, hindi pa makuha sa mura.  Tang-ina.  Mag-angas ka kapag hindi na pera ang bumubuhay sayo tanga.

Scene 3
Aze:  Manong, para powhzZz! Eto powhzZz bayad ko.
Driver:  Boy, wala kabang barya?
Aze:  Wala ho eh.  Buong isang-daan lang ho talaga.
Driver :  Tsk.  Dapat naman sinabi mo nang maaga-aga para nagpabarya tayo.  Nagbayad ka pagpaka-para mo tapos buo naman pala pera mo. Yan ang hirap sa mga style niyo eh.  Sige na, bumaba ka na.  Libre ka na lang.
Aze (pabulong): Hihihi. Winner!

Naranasan mo na bang tumama ang hinliliit ng iyong paa sa upuan, lamesa, aparador, bar counter, divider, inidoro o arinola?  Sakit no?  Ganun kasakit ang idinudulot mo sa mga namamasada sa tuwing magbabalak kang magbayad ng buong isang-daan kapag malapit ka na sa bababaan nang sa gayon ay walang maganap na suklian.

Para sa iyo, ano ba talaga ang ibig sabihin ng “busina”?
a.  Makikiraan lang po. Salamat.
b. Ayokong magbigay. Tabi.

Halos pareho lang diba?  Yung asal lang ang pinagkaiba.  Alam mo, lahat tayo matagal na sanang patay eh.  Deadz tayo kung sakaling pinahintulutan ni Kristong magkaroon ng kanser sa ugali.  Pasalamat ka hindi.

Nakaranas ka na ba ng drayber na dumadaan sa shortcut dahil traffic daw tapos paglalakarin ka na lang dahil hindi na niya madadaanan ang lugar kung saan iyon ang iyong bababaan?  Okay lang naman kung maayos na sasabihin, eh kaso ang problema pabalang na nga sinigawan ka pa.  Kapag nagalit ka, magagalit din siya.  Kapag yung pasahero kaya ay nagkataong putol ang isang paa, itatama na kaya niya ang dadaanan niyang ruta o mangingibabaw pa rin ang galit sa awa?

Sugatan na ang Pilipinas.  At ang ugaling bastos naming ibang mga Pilipino ang nagsisilbing band-aid upang hindi makahinga ang mga sugat na ito at tuluyan nang maagnas.

Nagbabago naman tayo eh.  Pero bumabalik nga lang sa dati.  Lumilinis. Dumudumi.  Kunwari nagswimming ka kasi mainit.  Tapos yung tuwalyang ginamit mo pampatuyo sa balingkinitang katawang kagagaling lang sa pool na tinubuan ng mga langaw, ipis, musang, unyango, mulawin at Pandaca Pygmea ay siya ring gagamitin mo pagkatapos mong magkuskos at magbanlaw, shet.  Luminis ka nga, dumumi naman ulit.

Kailan kaya natin maiwawaksi ang ugaling sablay?  Bakit hindi natin subukan ang ginagawa sa libro ng ating mga lola’t nanay?  Dinidilaan ang bawat pahina upang ito ay maghiwalay.  O hihintayin mo na lang na maiwan sa lupa ang mga hindi sumunod sa Kanyang gabay?  Ano ba trip mo, ice cream na pinalaman sa monay o ice cream na binudburan ng momay?  Piliin ko na lang kayang mamatay habang bata pa’t walang malay?

By: Aze Eversen A. De Castro

Thursday, September 16, 2010

Paano ka mabubuhay kung hindi ka hihinga?

Paano ka mabubuhay kung hindi ka hihinga?
(Walang-kasing hirap. The Return of the Comeback)

        Isa sa mga pinakamadikit na aspeto sa buhay na hindi mo maiwawaksi sa isang nilalang ay ang mangarap.  Mas madikit pa sa kulangot.  Take note, kulangot as in kulangot.  Kahit anung klaseng kulangot, kulangot na pinahid sa pader, sa unan, sa pantalon, sa uniform, sa uniform ng kaklase, sa table ng teacher, sa damo, sa bato, sa tiles ng swimming pool, sa gripo sa banyo at sa utong.  Pwede rin namang bumaon sa kaduluduluhan, kasuluk-sulukan at kadilim-dilimang parte ng iyong kuko.  Kulangot na kung hindi sininga ay sininghot.  Tingnan mo, kapag nailabas ang kulangot, masarap diba?  Kung lalo mo namang sininghot, masakit.  Nandoon kasi yung pakiramdam na alam mong kaya mo itong dukutin, alam mong kaya mo itong abutin, alam mong kaya mo itong kamtan pero hindi mo ginawa.  Hindi mo ginawa dahil nawalan ka ng pag-asa.  Parang pangarap?  Pwedeng pagsikapan at pwede ring tamarin na lang.  Masarap kapag nasingha.  Masakit kapag sininghot.  Ang tanong, bakit mo sisinghutin kung bingyan ka ng Diyos ng benteng kuko na pwedeng pahabain at ang kulangot ay dukutin.  Samakatuwid, bakit ka susuko kung bingyan ka ng Diyos ng isang buhay na ikaw ang magdidikta ng iyong pag-asa.  Tandaan mo, kung ngayon pa lang ay hindi mo na maabot ang iyong mga minimithi, edi bukas na lang.

Ako? Pangarap kong magkaroon ng marami pang pangarap. Pero ayoko namang magpalamon sa sandamakmak na pangarap.  Gusto kong nangangarap dahil gusto kong maramdaman ang hirap at sarap habang binibigyang katuparan ang mga sangkap ng aking pangarap.  Naniniwala kasi ako na kapag ang hirap at sarap ay naipaghalo sa iisang baso, plato at inidoro, ito ang tunay na walang kasing-sarap.

May mga taong kahit hindi naghihirap ay hindi maramdaman ang sarap.  Meron din namang mga taong hindi nakaranas ng hirap kaya’t ang gusto na lamang ay puro sarap.  Bakit kaya?  Hindi ba talaga balanse ang mundo? Bilog ba talaga ang mundo.  Kung bilog nga, bakit may nakaangat pa rin at may natatapakan sa ilalim?  Kahit si Magellan hindi iyan masasagutan.  Dahil Diyos lang ang nakakaalam.

May iba’t-ibang plano si Hesus.  May iba’t-ibang dahilan kung bakit tayo ang narito at bakit siya ang nagdala ng kalbaryo  at napako sa krus.  Lahat tayo ay may silbi.  Paano ka lulutang kung walang salbabida?  Paano kayo magtatago kung walang kurtina?  Paano ka magpiprito kung wala kang mantika?  Paano ka matututo sa isang pagkakamali kung hindi ka naging tanga?  Paano ka mabubuhay kung hindi ka hihinga?  Langhapin mo ang pag-asa.

Kung meron bang kriminal, meron ding pulis?  Kung merong pulis, sure na ba na walang kriminal?  Kung walang kriminal, mawawala na rin ba ang mga pulis?  Kung pareho silang mawala, mas sasaya ba dito sa lupa?  Kapag nawala ang whiteheads at blackheads, mas kikinis ba ang mukha?

Minsan, mapapaisip ka.  Ang tsapa nga ba ang sumisimbolo sa organisasyong mas demonyo pa sa kulto?  Hindi mo alam kung tama bang sa kanila humingi ng saklolo o pare-pareho lang silang tarantado.  Isa lang masasabi ko, kung ang pag-uusapan ay mga tao sa panahon ngayon, mahirap na magtiwala.  Walang-kasing hirap. 

By: Aze Eversen A. De Castro 

Hayden Kho vs. Gloria Macapagal-Arroyo

Hayden Kho vs. Gloria Macapagal-Arroyo
(Kanino ang boto mo?  Ako ang simula. Ako mismo.)

                Gaganahan ka pa bang mag-almusal kung yung Koko Crunch mo e malambot na?  Yung hindi na siya matatawag na Koko “Crunch”.  Koko na lang.  Mantakin mo ito, “Mommy, kakain akong Koko”.  Parang mali diba?  Parang, ang pangit.  Hindi bali, uso naman ang Koko eh.  Uso sa mga tamad, sa mga batugan, sa mga mahirap tawagin tuwing kakain at sa mga ayaw bumangon at pilit na pinaghihintay ang biyaya ng Panginoon.

                Kung sabagay, mas pipiliin ko rin na magtalukbong ng makapal na kumot kaysa masulyapan na naman ang mga pangyayaring masalimuot.  Swine Flu.  Hayden Kho.  Char….Char…Charter Tseyndz?  Oo.  Yun ata.  Ewan ko kung ano spelling.  Iyan ang pagpapapalit ng pangulo ng bansa ng kanyang basag na mukha matapos siyang sampalin ng trilyon trilyong Pilipino.  Biro lang.  Peace, mahal na presidente…..ng bansang lubog sa utang kahit marami namang kayamanan.  Peace. Mukha kang ipis.

                Back to the topic, kung hindi ka kikilos, yung Koko Crunch mo, magiging Koko na lang.  Gusto mo ba ng ganun?  Kung oo, malamang binayaran na ang buhay mo ng ating mahal na…(pabulong lang)…pangulo.  At, at, at, at kung ganun nga…putang ina ka. Hehe.

                Bangon na!  Kung nakabulldog super glue ka pa din diyan sa kama mo, ito ang mga posibleng abutan mo sa mundo mo:

1.)    Yung taxi, parang bus na.  Pwede na ang nakatayo.
2.)    Yung airplane, parang tricycle na.  Pwede na sa bubong.
3.)    Nagpapatayan na ang mga tao.  Maiimbento na din sa wakas ang adobong puso at nilagang kaluluwa.
4.)    Ang ilog pasig, wala nang basura. Wow. Siyempre, natabunan na kasi ng mga bangkay ng mga pulitiko, estudyante ng UP at PUP at mga sikat na artista.
5.)    Kasing bilis na ng missile ang mga pampasaherong bus at jeep.  Hindi na din sila makakasuhan ng hit and run as long as may karatula sila na “TIME FLIES”.

Ang saya hindi ba?  Yan ang Pinoy version ng Revelation sa Bibliya.  Yan ang mangyayari kapag hinayaan natin siyang masilaw sa pera.  Tingnan mo, ang dami pa ring batang lutang sa droga at namumulubi sa kalsada.  Pabor kaya sila sa Cha-Cha? O tuluyan nang nawalan ng pag-asa?  Tapos sasabihin ng mga elitista, “Don’t give them fish. Teach them how to fish.”  Tarantado amputa.  Bakit? Pwede mo namang bigyan tapos tsaka mo turuan ah.  Pwede pareho diba?  Ayaw mo lang.  Madamot ka kasi.  Gahaman ka kasi.  Sugapa ka kasi.  Ganid. Sakim.  Demonyo.  Mas masahol ka pa kay Hayden Kho.  Ang swerte swerte mo.  Hindi nagkakakanser yang nunal sa mukha mo.

Ito ang solusyon.  Humingi ng tulong sa mga sindikato.  Ipalibot lahat ng pulubi sa palasyo at tsaka dumugin ang mahal na pangulo.  Mamalimos hanggang matunaw ang konsensya ng gago.  Ipaligid sa presidente lahat ng baliw sa lansangan.  Iyakan siya at tawanan.  Upang matigil na ang garapalan.

By: Aze Eversen A. De Castro

Alabang Boys

Alabang Boys
(The Latest People Power Revolution)

Aze:  Bakit kaya Blue at Pink ang pinakulay ni Bayani Fernando sa lansangan?
Bon:  Para madaling makita kahit gabi man o umaga.
Aze:  Ahhh…
Bon:  Bakit?
Aze:  Baka kasi pwede ring B-lue for B-ayani at F-ink for F-ernando
Bon:  Ano naman kung ganoon?
Aze:  Baka isa itong long term goal (para kapit sa malakas sa susunod na halalang puno ng kalokohan)
               
                Matindi na ba talaga ang pangangailangan ng tao sa pera?  O matindi lang ang pagkaadik ng tao sa pera?  Parang droga na ba?  Parang asawa mo na?  Baka naman napalitan na rin niya maging ang ating Diyos na sinasamba.

                Kung ako sa mga talent manager, sa mga squatter’s area ako maghahanap ng mga bagong karakter sa Pinoy Big Brother.  May future sila doon.  Maraming future bold star doon.  Maraming nakahubad at nagtatampisaw sa mga poso’t balon.

                Habang si Imelda at ang kanyang mga katropa ay hindi magkandaugaga sa kabibilang ng mga damit nila.  Hindi mabilang, parang buhangin sa beach.  Napakarami.  Sila naman, parang bitch.  Napakarumi.  Leche.

                Umiihip ang tubig.  Inaalon ang hangin.  Lumalawak ang kalsada pero sumisikip and daan.  Dumarami ang sasakyan pero kumokonti ang courteous drivers.  Nagkaroon na ng mga notebook na si John Lloyd at Piolo Pascual ang cover na pinagtsisismisan.  Ubos naman ang puno sa kalikasan.  Dumarami na ang artista.  Kumokonti na ang hayop.  May mga hayop na nagiging artista.  May mga artistang nag-aasal hayop.  Binabalutan na tayo ng pagkawirdo.  Iisa na alng ang natitirang konkreto.  Pantay pa rin ang dami ng pulubi at magnanakaw.  Mga magnanakaw sa palasyo at mga magnanakaw sa kalsada.  Nagkahalo-halo na.   Pinaniniwalaan na ang multo.  Binabalewala na si Hesukristo.  Baliktad na ang ikot ng mundo mo.  Kulot na ang takbo ng isip ko.  Halo-halo na ang mga ideyang nagwrewresting sa utak ko.  Maghalo-halo tayo ngayong tag-init upang hindi uminit ang ulo.

                Sa mga jeep masarap mag-isip ng ganito.  Tipong iba’t-ibang klase ng tao ang nakatitig sa iyo.  Merong conyo.  Merong nakasando.  Merong nakasabit.  Merong pilit ipinagkakasya ang puwet.  Merong mga babaeng hindi nag-ahit, ang lakas pa ng anghit.  May mga dumudura.  May mga nagmumura.  May estudyante.  May natatae.  Merong buong biyaheng tulog.  Merong buong biyaheng sabog.  Paanong hindi ka magmimistulang naka-marijuana?  E pagkabilis-bilis ng takbo ng mga sasakyan ngayon.  Lahat competitive.  Sa sobrang barubal magmaneho ng drayber ay para kang may libreng masahe sa biyahe.  Ayaw mo na rin magbayad ng pamasahe.  Baka mga jeep  na ang susunod na sasakyang pang-giyera.  At mga pampasaherong drayber na ang mga susunod na sundalo.  Sa bilis ng takbo nila, hindi sila maabutan ng mga bala.  Sa galing nilang umiwas sa mga babangga sa kanila, walang dudang hindi sila tatamaan ng mga granada’t bomba.  Ang galing talaga ng gawang Pilipino.  Masama man at may katas ng demonyo.  At least hindi nawawalan ng pag-asa patungong asenso.  Metro gwapo.

                Sa mga jeep mo rin maririnig ang mga bumabayong tugtugan.  Sa hinaharap, baka ang mga sasakyang pampasada na ito ang maging bagong gimikang kababaliwan.  Sponsors na lang ang kulang.  Kaso ang mga dadayo lang rito ay ang mga kapatid nating makabayan.  Mga kantang Ingles na isinalin sa tagalog kasi ang maririnig mo dito kadalasan.  Sabi nila baduy daw ang gumawa ng mga kantang ganito’t ganyan.  Buti nga sila naaalala pa ang lupang tinubuan.  Buti pa sila nakasaludo kay Bonifacio at hindi kay Neyo.  Kung sumigaw kaya ako ng “May bomba!” sa loob ng jeep, may pagkakaiba kaya kung sumigaw ako ng “May ipis!”?  Tingin mo? Gaano na kaya kakapal ang pinturang inilapat sa atin ng pagiging conyo?

                Hindi ba ito nakikita ng mga pinuno?  Hindi ba ito nakikita ng mga hindi pinuno?  Bulag ba tayo? Bingi? Pipe?  Walang pakiramdam?  Walang pakielam?  Halo-halo na ang mga mabubuti at masasamang pangyayari sa mundo.  Hindi mo na alam kung balanse pa ba o may nakakalamang.  Baka balang araw, kapag hindi pa tayo nagtino, ay sakupin tayo ng mga langgam.

                Palitan na natin ng downy ang mga dugong dumadaloy sa ugat natin nang tuluyan nang lumambot ang mga puso natin.  Magsimula tayo ng bagong adhikain.  Siguraduhing lahat ay may maisasaing na kanin.  Huwag kang magmistulang mannequin.  Kumilos ka at ipagtanggol ang mga inaalipin.

                Ikaw ang bagong BAYANI.  Isang bayaning ngiti lang ng mga Pilipino ang tinatamasa at hindi ang buwis ng masa.

By: Aze Eversen A. De Castro

Isang tanong, walang sagot

Isang tanong, walang sagot
(Who wants to be a millionaire?)

Ben:  Mag-ahit ka na ng bigote mo, ang panget!  Ang nipis!
Aze:  Kasing-nipis ng pitaka ng bawat Pilipino

                Sa mga panahong uso ang walang makain, mas uunahin pa ba ng isang ama ang bumili ng Gilette kaysa maghanap ng mga hilaw na butil ng kanin na maaaring ipanligo sa lalamunan ng mga anak niyang namimilipit na sa gutom at patuloy na napapraning.  Sana pwede nating lunukin ang bubblegum.  Baka sakaling  magsilbi itong panawid gutom sa mga sikmurang kumakalam.

                Sa mga panahong uso ang walang manguya, masisisi mo ba ang mga batang rugby ang pinagtutuunan ng pananampalataya?  Ano ang mas gugustuhin mo, isang grupo ng kabataang droga ang nakabara sa ilong o isang grupo ng kabataang nakakulong sa kabaong?

                Bakit ba ang mga mahihirap na tao sa lipunan ang patuloy na sinisisi natin sa labis na pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot, talamak na patayan at walang tigil na pagdaing ng sangkatauhan?  Sila ba ang may kakayahang magtayo ng planta ng marijuana sa Sagada?

                Paano kung mula pagkabata nila ay shabu na ang nagsilbing gatas nila?  Paano kung marijuana ang etiketang ginamit ng mga ninuno nila upang manatiling maligaya ang mga henerasyon ng kanilang pamilya?  Masisisi mo ba sila kung ganito ang nakasanayan nila?  Na para bang pinagbigyan nga silang makita ang liwanag at kumawala sa dilim ngunit alinsunod naman nito ay para din silang tinadhanang maghasik ng lagim?  E kung sa halip na sisihin mo sila e tumulong ka, mas okay kaya?

                Paano ginagawang pag-asa ng bayan ang kabataan?  Sa pamamagitan ng pagpapaluhod sa kanila sa isang bilao ng munggo sa tuwing sila’y nalalaglag sa hagdanan?  Bakit? Hindi naman nila kasalanan na mahina pa ang kanilang pangangatawan.  Siguro hindi sila dapat palakihin sa mata ng parusa.  Dapat lang natin silang palakihin na may pinaghuhugutang konsensya.

                Ano kaya ang pinakamahirap na trabaho sa mundo?  Albularyo?  Magtataho?  Tiga-maneho?  Sundalo?  Tigalinis ng banyo?  Panadero?  Babaero?  Sugalero?  Basagulerong katipunero na may onting bakas ng pagka-emo?

                E ang pagiging pulubi kaya mahirap?  Tipong pipira-pirasuhin mo ang mga parte ng katawan mo at tsaka ka manlilimos sa hindi mo kakilala sa kalsada.  Mahirap na trabaho o trabahong pang-mahirap?

                E ano ang trabahong pangmayaman?  Panggagantso o pagiging pangulo?  Wala bang pinagkaiba ang mga ito?

                Ngayon, isipin mo.  Tama bang bigyan ang mga pulubi ng limos o mas tamang hayaan na lang sila upang hindi sila matutong mang-abuso ng kapwa?  Minsan nakakalito ang mali sa tama.  Minsan walang mali.  Minsan walang tama.  Nasa iyo ang desisyon.  Bibigyan ka ng tanong.   Bumuo ka ng sagot.

                Bakit kailangan mag-ahit ng bigote?  Para malinis ang tingin ng iba sayo?  Paano kung maitim ang budhi mo at madumi talaga ang nasa kaibuturan ng ng puso mo?  Para mo na din bang pinlastik ang sarili mo?  Kailan kaya tayo magkakaroon ng maayos na gobyerno?  Sino ba talaga ang dapat na umupo sa trono ng pangulo?  Si Hesukristo?

By: Aze Eversen A. De Castro

Bawal ang tao dito, doon ka sa bangketa

Bawal ang tao dito, doon ka sa bangketa
(If in doubt, consider unsterile.)

Ben: Mikes, nagtext na! Ayaw daw niya kumain.  Gusto na daw niya mamatay.
Aze (sa isip pa rin as usual): Tadyakan ko kaya ito sa alak-alakan.

                Hindi tayo tinuruan ng mathematics para magpakitang-gilas at gamitin ang algebra sa harap ng mga kahera.  Hindi tayo tinuruan ng mathematics para sukatin ang geometrical area ng mga kuko natin sa paa.  At hindi tayo tinuruan ng mathematics para maakit sa mga numerong kasalukuyang bumibilog sa ulo ng mga taong mukhang piso.

                Tandaan mo ito.  Nagaral ka ng mathematics upang maisapuso na sa bawat package ng problema na sa iyo’y irarasyon, mayroon at mayroon iyang kasamang instant solusyon.

                Bakit ba gusto mo nang mamatay? Kung akala mong marereincarnate ka, eh baliw ka.  Sige.  Maaaring mangyari nga ito.  Ngunit pagbalik mo dito sa mundo, isa ka na lang sa mga tinga ni Kris Aquino.  Sinayang mo ang buhay mo.

                Akala mo matutuwa ang mga nagmamahal sa iyo sa plano mo?  Akala mo mababawasan ang pabigat dito sa mundo kapag kinitil mo ang sarili mo?  Oras na itapon mo ang buhay mo, daig mo pa ang naglublob sa inidoro.  Kadiri ka.  Hindi mo kayang tagalan ang mga simpleng problema na sa iyo’y sadyang nakalaan na.  Hinanda ang mga ito upang palakasin ka.  Hinanda ang mga ito upang mag-enjoy ka. Hinanda ang mga ito upang buhayin ka.  Hindi para patayin ka. 

                Huwag kang mawalan ng pag-asa.  Hindi pa panahon para pigilin ang iyong hininga.  Bolahin mo muna si kamatayan.  Sabihin mo time-first muna.

                Tularan natin ang mga bata.  Kahit anong lunod mo sa kanila sa kumukulong kaning-baboy ay aahon at aahon ang mga iyan.  Marahil sila na nga ang mag-aahon sa Pilipinas.  Para silang mga glitters sa mukha.  Napakagandang tingnan.  Napakahirap alisin sa lipunan. 

Daig pa nila tayo.  Halos magkandadapa na sila sa pagtakbo makapagmano lang sa pari tuwing Linggo.  Pero tayo, mas gugustuhin pa nating i-GM na lang ni Father ang sermon niya at ipa-LBC ang oscha.

Ang mga bata, kabisado ang Angel of God at Panatang Makabayan pero tayo hindi.  Mas abala pa tayo kung sino ba talaga ang taong nasa likod ni Big Brother.  Bakit hindi na lang isama sa mga videoke and mga kantang ito upang hindi malimutan?  Bakit hindi nalang gawing gasolina ang alak? Upang sa halip na sumusuray-suray ay napapaunlakan natin ang ibang tao ng hanapbuhay.

Noong bata ka, hirap na hirap kang i-shoot ang ihi mo sa bowl niyo.  Ngayong malaki ka na, mas trip mo nang makipagpataasan ng ihi sa aso sa bawat pader na madadaanan mo.  Napakapanghi ng ugali mo.  Paano mo mahahanap ang mga solusyon sa problema mo kung ganito ang gawain mo.  Tapos sasabihin mong kamatayan lang ang sagot sa mga tanong mo.  Gago.  Huwag kang sumuko.  Ang kailangan mo lang ay magtino.  Wala kang karapatang magpakamatay. Maka-Diyos ka man o makasalanan, sakristan o Martian, si Gloria ka man o si Superman ay wala ka pa ring karapatan.

Paano ka mabubuhay kung gusto mo nang mamatay?  Paano ka sasaya kung ang bumubuhay sa iyo ay pera?  Paano mo malalaman kung panis na ba ang suka?  Mahirap diba?  Mahirap mabuhay.  Pero masarap mabuhay.

By: Aze Eversen A. De Castro

Ang MAHAL naman, nakakairita.

Ang MAHAL naman, nakakairita.
(Baka gawa sa bigas?)

“ Hindi ko na maalala e. Suppression. Haha.”
– Agatha Christa Cura

                Mahal ko pa rin ba? Minsan iniisip ko pa rin siya e.  Lagi pala.  Parang noong mga bata tayo, huhuli ka ng tutubi, sa buntot mo hahawakan.  Hindi ka titigil hanggat hindi mo nakukuha.  Hindi ka susuko hanggat mahal mo pa.  Pero bakit ka nakikipaglaro ng tagu-taguan?  Pinipigil mo pa ang iyong nararamdaman.  Hayaan mong umusbong iyan na parang bulaklak ng Santan.  Pagkatapos tikman at gawing baging ni Tarzan ay tsaka mo pagdugtung-dugtungin na para bang hawak kamay patungong kapayapaan.

“Problema?”
–Franessa Ysabel Diane Chan Huan

                Sinabi mo na gusto mo siya. O kaya naman hindi ka umamin.  Pero bakas sa mga maga mong mata na nagpuyat ka para lang hintayin ang huling text niya.  Tipong kahit pahiran ka ng kulangot ng nanay mo dahil inubos mo ang load na nagpapaikot ng pera sa mundo ay okay lang.  Wala kang pakielam.  Basta ang mundo mo, iba ang nagpapaikot. Siya.

“ ‘Lam mo na naman siguro yun no. Boy likes girl.  Girl likes boy’s brother.  Boy holds on…”
–Jan Dexter Ferrer

                Parang pare-pareho lang lagi no? Sasabihin mo ayaw mo siya masaktan.  Ayaw mo rin masaktan.  Ayaw ka niya saktan.  Ayaw din niyang saktan mo siya.  Pero sa huli, yun at yun pa rin yung kinahahantungan.  Ang kinaibahan lang ay kung gaano ka katagal magpapadala sa sakit.  May iba na tatlong araw lang may iba na.  Parang mga ahas na nagpalit ng balat pampa-angas.  Pero mayroong taong kahit nakangiti ang mga labi ay kita mo pa rin sa kaniyang mga mata ang mga naipong luha na tatlong taon na niyang hindi ipinapakita.  Martyr.

“Ikaw.”
– Aze De Castro

                Alam ko, may mga panahon na tinatamad kang dumilat, kumurap o pagalawin ang iyong anino.  Dahil hindi siya nagtetext? Dahil hindi pa rin kayo nagbabati? O dahil sinabi niyang huminto ka na sapagkat may iba nang nagpapakilig sa kanya?  Ang labo nila.  Patuloy pa rin ang dikit sayo, magpapagawa ng kung anu-ano, magpapahatid na para kang aso tapos makikita mo yung litrato sa YM, may kasamang ibang tao.  Natutuwa daw siya sa iyo at mabait ka pero hindi raw iyon sapat para patibukin mo ang puso niya.  Kakalimutan mo ba? O patuloy mong ipapakita na hindi ka ikaw kapag wala siya?

“ Minsan feeling ko iniisip ng mga babae tanga ako.  Dahil sa pagtatrato nila sakin.  Parang isip nila hindi ko mahahalata ang isang bagay kaso obvious.  Yung parang ginawa sa akin ni D%&n*. At ung ginawa ni &^#@*.  Haha. Tas parang isip nila wala ko feelings kasi para lang ako gago. Yun. Tapos hanggang ngaun gusto ko pa rin D%&n*.  At hindi ko alam kung magtatagal eto kasi baka maasar lang siya sa akin isang araw.” – E. T. IV

                Paano mo kaya malalaman na mahal ka ng isang tao? Paano mo rin kaya malalaman kung mahal mo nga talaga ang taong ito? Kapag gumiginhawa pakiramdam mo tuwing nakikita mo kahit man lang yung ginupit niyang kuko? Hindi.  Nararamdaman yan.  Mararamdaman mo oras na magkatinginan kayo at makita mo ang sarili mo sa mga mata ng iniibig mo.  Kaso minsan, nararamdaman mong iba ka rin para sa kanya, pero itinatanggi niya dahil sa mga walang katuturang kadahilanan niya.  Sasabihin niya hindi pa siya handa.  Sasabihin mo maghihintay ka.  Sasabihin niya wag na at baka masaktan ka lang niya.  Gusto mong itanong sa animal na iyon kung bakit pero inisip mong baka tama siya.  Makaraan ang ilang buwan, nakikipaglandian na sa iba.  Putang-ina.  Bakit hindi na lang sinabi na ayaw niya sa iyo dahil pangit ka.  Akala nila makakabuti sa pakiramdam kapag pinagaan ang mga dahilan.  Hindi nila alam, habang buhay mong kaakbay ang mga sugat sa puso mo dala ng ginawa niyang katarantaduhan.  Habang buhay, gin hangin ang gagamitin mong puhunan.

“Tatlo tinitibok ng puso ko”
 – Dean Frederick Verzosa

                Kung isa ka sa mga taong nakatali na at napapaloob na sa isang relasyon pero hindi pa rin kuntento sa kung anong meron ka.  Isipin mo, maraming batang nagugutom.  Maraming batang nagugutom sa pagmamahal.  Kung nagpapa-cool ka lang pero mahal mo pa rin talaga, huwag mo na isipin ang porma.  Kumpletuhin mo siya dahil kailangan ka niya.  Pero kung gulo lang inaabot ng inyong pagsasama, baka mas mabuting ayusin niyo muna.  Baka iba ang nangangailangan sa kanya.  Baka kailangan ka rin ng iba.  Baka hanggang kaibigan lang talaga. Asa.

“ Hmm. Di ako lab, verbal abuse, ayaw magcommit, magkaiba perspective sa lahat. Ayun.”
– Kristina Mae Zapanta

                Hindi natin maiiwasan masaktan.  Pero huwag naman natin laging sadyain.  Kung alam mong papalapit na, habang maaga pa ay sabihin mo na. Para mahanda na niya ang gagamitin niyang panangga sa kanyang pusong mamon na sinawsaw sa suka.  Depende rin naman sa tao yan.  May mga taong gusto biglaang sakit.  May iba na gusto dahan dahan.  Meron ding tao na hindi raw sakit ang nararamdaman. Galit.

“ Hindi pa ako handa e.”
– imbento ko lang. para may dagdag.

                Ikaw naman, kung sa tingin mo’y hindi ka pa handa, kailangan ay masagot mo ang tanong na “bakit?”  Kapag may sagot ka, pasado ka.  Kapag wala, walanghiya ka talaga.  Bakit hindi ka pa handa?  Kailan ka pa magiging handa?  Kapag pagod na siya kakahintay sa iyo?  Hindi ka naman pinagmamadali pero kung may pag-asa naman, bakit hindi mo pagbigyan?  Tandaan mo. Hindi lahat ng tao pasensyoso.  At hindi lahat ng tao tanggap ang pagkatao mo. Carry mo?

“Pano kung wala pala ito.  Tapos basted ulit ako. Don’t write names pare ah.”
 –S.G.

                Huwag mong itanggi kung mahal mo ang isang tao.  Mababaliw ka lang sa ginagawa mo.  Pwede mo itanggi sa ibang tao pero huwag na huwag mong itatanggi sa sarili mo.  Labo no? Ito ang dahilan kung bakit inimbento ang “sikreto”.  Mas maganda ang diskarte mo kapag tahimik ang paligid at walang sumisigaw ng “yiiieee” at “uuuyyy” sa tuwing lalapitan mo ang nililigawan mo.  Habang nabubuhay ka pa, kaya mong patunayan na buhay mo siya.  Kapit ka lang hangga’t may makakapitan.  Kumpleto pa ang daliri mo.  Gamitin mo ang tapang mo. Super Lolo.  

“Wala akong problema sa love. I’m happy. Hahaha!”
 – Julie Ann Clarin

Sabagay, lahat ng nandito sa kabanatang ito ay kalokohan lang.  Darating ang panahon na sasabihin mong mali ako.  Sang-ayon ako sa iyo.  Iba-iba ang pananaw nating mga tao at ang mga ito ay base sa mga karanasan na ating kinagisnan.  Pero eto ang sa akin, balang-araw magsasawa ka mag hanap, magsasawa ka maghintay, magsasawa ka sa kinakasama mo, makikipaghiwalay, pipiliing maging mag-isa, malulungkot, maghahanap ulit, maghihintay ulit, at magkakaroon ulit ng kinakasama.  Sasabay at sasabay ka lang sa ikot ng relo mo.  Tama lang ang ginagawa mo.  Matuto ka sa mga mali mo.  Ipunin mo ang mga peklat sa puso mo.  Dahil bukas makalawa, maging leap year man ito o sa isa pang dekada, may isang taong magsisilibing sebo de macho sa iyo.  Tatanggapin ka nito kahit gaano man karami ang keloid na dala mo.  Hindi mahalaga kung magkababata man kayo o unang beses niyo pa lang magkita.  Ang importante ay mahal ka niya at mahal mo siya.  At hindi ito magbabago kahit umulan ng mga macho, bumaha sa Antipolo at sapian si Edward Cullen ng matandang ermitanyo.  Sapagkat si Kristo mismo ay hindi papayag na magkahiwalay kayo.

“Wag mo na isama yung akin.” – Erika Laraine Chico

By: Aze Eversen A. De Castro

Sinong unang mamamatay, itlog o manok?

                 Noong highschool ako, may cleaners.  Pero nung nag-college na, wala na.  Tapon dito, tapon doon. Upos dito, bubble gum doon.  Yung paglilinis ng basura natin inaasa na sa iba.  Inaasa natin sa iba na tayo mismo ang nagungutya.  Subukan mong maging isang basurero.  Parang mas itinuturing  pa na tao yung anino mo kaysa sa iyo.  Maliit lang daw ang mundo. O siguro sadyang napakalaki lang talaga ng mga ulo nating mga walang modo.

                Isipin mo. Oras na magkarally, siguradong magkakatrapik.  Dahil unti-unting pumapatak ang oras.  Unti-unti ring pumapatak ang mga pawis at patuloy tayong nababanas.  Pagkaraan ng ilang segundo ay mauubos ang mga krudo.  Magagalit ang mga drayber sapagkat pagkamahal mahal nito ngunit hindi naman nila nagagamit ng solido.  Sunod na magagalit ang mga nagmamadali, late na sa trabaho o eskwela, natatae o kaya naman ay hinahabol ng missile.  Kinabukasan, lahat nang nagalit kasali na sa rally.  Lahat galit sa gobyerno.  Lahat isinusumpa ang pangulo.  Lalo lang nagkagulo.  Nasaan na ang diwa ng pasko?

                Tayo tayo lang din ang naggagaguhan.  Pare-pareho lang tuloy tayong nahihirapan.  Iisa lang naman ang solusyon sa mga utang at kalokohan ng bayan e. Pumasok ka sa simbahan, abangan ang Ama namin, makipaghawak kamay sa katabi mo kahit may ketong man yan o pasmado. At bago lumabas sa munting tahanan ay siguraduhing nakapagabot ka ng kapayapaan.  Siguraduhin mo na ang puso mo ang siyang nagsisilibing sabsaban.

                Ngayong pasko, magtulungan tayo.  Mula sa mga sanggol na umiiyak sa loob ng sinapupunan hanggang sa mga binatang humahalakhak sa inuman hanggang sa mga kaluluwang katsismisan na ni kamatayan, sama-sama tayong lumuhod sa Baclaran.  Ipagdasal natin ang pagbabago sa ugali ng bawat demonyong nagkorteng tao.

                Kung may mga batang takot sa lobo, paniguradong may mga tao pa ring takot kay Kristo.  Iwanan mo muna sandali ang punyetang Algebra at sa halip ay magnotes ka sa misa.

By: Aze Eversen A. De Castro

Maganda ka nga, jaywalker naman

Maganda ka nga, jaywalker naman
(Jaywalker nga, maganda naman)

Sa isang jip, umakyat ang isang anak ng Diyos.  Nagbigay ng mga sobreng mapupunit kapag barya barya lang ang sinilid at hindi papel and inipit. Kumanta ang anak ng Diyos.

Alagad ng Kadiliman: Patay malisya
Mama: Patay malisya
Ale: Patay malisya
Manong: Patay malisya
Manang: Patay malisya
Sir: Patay malisya
Ma’am: Patay malisya
Girl: Patay malisya
Boy: Patay malisya
Bakla: Patay malisya
Tomboy: Patay malisya
Butiki: Patay malisya
Baboy: Patay malisya
Aze (sa isip): Patay. Mali sila.

maya mayang onti..
Alagad ng Kadiliman: Mama, PARA!
Drayber: Teka, sa kabila po tayo, may nanghuhuli kasi e.
Alagad ng Kadiliman: Mama, sa tabi lang, PARA!
(umandar pa ng onti ang jip..)
Alagad ng Kadiliman:  PARA SABI EH!!
Drayber: Eto na ho, itatabi lang naten.
Alagad ng Kadiliman: Putang ina mo! Sa susunod ayusin mo pagmamaneho mo!
Aze(sa isip pa rin): Kaluluwa mo, sinusunog na sa impyerno.

                Anong karapatan ng isang tao na magmura kapag hindi naririnig ng drayber na siya ay pumapara kung sa tuwina namang may mangangaroling sa harap niya ay nagmimistula siyang isang estatwa?  Eto ang ilan sa mga etiketa ng mga taong tuta ng pinaka-wanted na sindikato, si “Diablo”. 

                Minsan kahit anong pilit mo ay nakakatulog ka pa rin habang nakikinig sa misa pero kapag si Eva Fonda, naku ibang usapan na.  Hindi bale nang maging isang bampirang magdamag na nakabukas ang mga mata.  Ang importante ay mapagnasahan siya.  Hoy Pinoy! Oras na para batukan ang katabi mo.  Oras na para batukan ang sarili mo.  Oras mo, tumatakbo.  Gumising ka na at kalabitin ang iyong konsensya.  Sabihin mo pagod ka na.  Sabihin mo magbabago ka na.  Sabihin mo papalitan mo na si Gloria.

               Naranasan mo na ba ang mga eksenang:

 “ Hi Sir! Naka red po kayo at dahil dun ay may  matatanggap po kayong promo mula sa aming company.”
“Duh? I don’t need that promo of yours!”

                Tsk tsk.  Dapat kasi inuuna na lang nating tulungan ang mga pobre kesa sa mga matapobre.  Yun bang tipong:

“ Hi Sir, mukha kayong pulube kaya bibigyan ka namen ng bente”
“Maraming maraming salamat po!”

                Hindi ba’t mas okay?  Pero hindi rin naman naten sila masisisi.  Kailangan nilang mabuhay sa pamamagitan ng pagkagat sa mga patakaran ng kanilang hanapbuhay.  Mabuti na yung ganun kesa naman sa mga nagmamajong habang naglalamay.  Mga taong sa halip na magdasal ay nagsusugal.  Sa mga ganitong sitwasyon ay para kang nasa arcade.  Bawal umupo kung hindi ka maglalaro.  Huwag kang matakot.  Ipaglaban mo ang sa iyo hanggat kaya mo.  Marami man ang mga taong masasama, hangga’t nasa panig ka ng Diyos ay kaya mo silang itama.

By: Aze Eversen A. De Castro

Payat man o mataba, magbayad muna bago bumaba.

Payat man o mataba, magbayad muna bago bumaba.

Sa Mcdo Lacson…
Pulubi: (Putol ang isang kamay)
Aze: (Nakatingin lang)
The who? (pabulong na sinabi): “Meron ka pa naman isang kamay, bakit hindi mo gamitin?”

                Lahat tayo ay tao.  Walang ipinanganak na anghel na may sungay o demonyong may “ha-lo”.  Hindi tayo iniluwal bilang isang kerubin (ang munting prinsipe na nang dahil sa kanyang kakulitan ay sinampal ng inang reyna) pero binigyan tayong lahat ng utak para magisip at puso para magmahal.  Tutulong na lang hindi pa magawa.

                Gusto ko sanang sabihin, “Bakit ikaw? Dalawa pa naman ang kamay mo ah! May dalawa kang paa! At malaki ari mo! Bakit hindi ka magbenta ng laman at pag-aralin ang sarili mo? Hayaan mo munang magshopping ang lola mo!”  Kaso baka mag altapresyon (highblood in English my friends) ako e.  Baka humalo pa yung dugo ko sa pawis ko.  Mangangamoy kalawang lang ako.  Sabi ko na lang, “Tulungan mo na lang.  Tinutulungan ka rin naman ng iba e.”  Kaso wa-epek pa rin e.  Mahirap naman makipagtalo kapag ang kausap mo ay mala-Brock Lesnar at ikaw naman ay mala-Zach Gowen. Baka magulat na lang mga magulang ko na ulo ko lang ang umuwi sa bahay at sa susunod na araw na sumunod yung katawan ko.  Ipinagdasal ko na lang na sana sa pagdaan niya sa Mendiola ay mabato siya ng granada.  Baka sakaling iyon ang magmulat sa mga mata niyang pupuyat puyat.

                Noong bata ako, lagi kong hinahanap si Hesus sa mga ulap.  Lagi kong inaasahan na nakatayo lang siya doon at nagbabantay sa ating lahat.  Pinag-aawayan pa namin ng aso namin kung alin ang ulap at alin ang langit.  Sabe niya, langit daw yung bughaw at ulap naman yung white na bulak.  Ngayon, naiintindihan ko na kung nasaan Siya.  Wala siya sa mga ulap kundi nasa puso ng bawat tao.  At kaya patuloy pa rin ang pagdurusa dito sa mundong ibabaw dahil ang iba sa atin naririnig nga ang boses ni Kristo ngunit hindi naman pinapakinggan.  Dapat bumuo tayo ng entrance para sa Kanya tapos isarado natin yung exit para makulong na si Kristo sa puso ng bawat tarantadong tao tulad ko.  Buti pa ang mga bata.  Kahit malalaki ang tiyan, walang buhok sa kili-kili at may sayad sa ulo, at least willing na willing sila makipagkapwa-maligno sa mga nuno sa punso.  Hindi sila mapanghusga.  Hindi mo kailangan maging isip-bata.  Hindi mo rin kailangan awayin ang kung sino kung may Diyos ba o wala.  Hindi natin kailangan pagtalunan kung sino ang mali at kung sino ang tama.  Ang kailangan mo ay ang malaman kung bakit patuloy ka pa ring gumigising sa umaga kahit pagod na pagod ka na at wala ka naman nang pera. Dahil yan may mga minamahal ka pa. Diyos. Kaibigan. Pamilya. 

By: Aze Eversen A. De Castro

Bakit mas maputi ka na ulit saken?

Bakit mas maputi ka na ulit saken?

Papasok ng bangko…
Aze: (Binasa ang karatula, “Don’t use cellphones inside”.  Nagpatuloy ang superhero sa paglalakad.)
Guard: SIR, BAWAL GUMAMIT NG CELLPHONE SA LOOB HA!!!!
Aze: (Sa isip lang) “Pasalamat ka may baril ka. Pakyu.”

                Hindi ako si Ding.  Hindi rin siya si Darna.  Wala kame sa rally pero sinigawan niya ako sa tenga.  Infairness, talsik pa laway niya.  Okay lang naman sa akin na pagsabihan pero huwag naman niya akong duraan.  Marunong naman akong magbasa at nabasa ko naman yung karatula.  Siguro para sa kanya, bobo ang taong nakashorts at nakasando.  O ang tingin niya lang talaga e rugby ang laman ng utak ko.  Excuse me, hindi porket walang nunal sa bandang ilong ang isang tao ay wala na siyang karapatang maging isang pangulo.

                Minsan binabase natin ang personalidad ng isang tao sa panlabas niyang anyo.  Mali tayo.  Responsibilidad natin na siya muna’y kilalanin at katauhan niya’y kilatisin bago ito manyakin, sapakin o ano mang trip mong gawin.  At karapatan mo naman na ipakilala kung sino ka talaga sakaling hindi nila matantsa ang nais mong ipakita.  Pero ingat ka.  Baka ang sarili mo mismo, hindi ka kilala.  Itanong mo muna kay Pinocchio, “Kamukha ko ba ang sarili ko?”

Sa UST hospital…
Aze: (Palabas ng gate at may dalang laptop)
Guard: Ano yan?
Aze: Laptop po kuya.
Guard: Saan mo dadalhin yan?
Aze: Sa labas po.
Guard: Asan ang resibo niyan?
Lesleimar (to the rescue): ESTUDYANTE po siya kuya.

                Naka-civilian ako.  Pero may ID naman ako.  Mukha ba akong manggagantso? O malibog na engkanto?  Lagi na lang ako napagkakamalang accomplice ni Lupin III.  Bakit ko kukunin iyon kung pwede ko naman hingin?  Hindi ko kailangan ng pera.  Kailangan ko lang maging masaya. Hindi ako isa sa kanila.  Alam kong marami pa rin sa atin ang walang modo at utak kulugo.  Mga taong burado na ang pagkatao at hindi na maituturing pang tao.  Dahil hanggang ngayon ay hindi pa rin natututunang makuntento sa isang buhay na ang tanging ginagamit lamang ay ang Sampung Utos ni Hesukristo.

By: Aze Eversen A. De Castro