Thursday, September 16, 2010

Isang tanong, walang sagot

Isang tanong, walang sagot
(Who wants to be a millionaire?)

Ben:  Mag-ahit ka na ng bigote mo, ang panget!  Ang nipis!
Aze:  Kasing-nipis ng pitaka ng bawat Pilipino

                Sa mga panahong uso ang walang makain, mas uunahin pa ba ng isang ama ang bumili ng Gilette kaysa maghanap ng mga hilaw na butil ng kanin na maaaring ipanligo sa lalamunan ng mga anak niyang namimilipit na sa gutom at patuloy na napapraning.  Sana pwede nating lunukin ang bubblegum.  Baka sakaling  magsilbi itong panawid gutom sa mga sikmurang kumakalam.

                Sa mga panahong uso ang walang manguya, masisisi mo ba ang mga batang rugby ang pinagtutuunan ng pananampalataya?  Ano ang mas gugustuhin mo, isang grupo ng kabataang droga ang nakabara sa ilong o isang grupo ng kabataang nakakulong sa kabaong?

                Bakit ba ang mga mahihirap na tao sa lipunan ang patuloy na sinisisi natin sa labis na pagkalulong sa ipinagbabawal na gamot, talamak na patayan at walang tigil na pagdaing ng sangkatauhan?  Sila ba ang may kakayahang magtayo ng planta ng marijuana sa Sagada?

                Paano kung mula pagkabata nila ay shabu na ang nagsilbing gatas nila?  Paano kung marijuana ang etiketang ginamit ng mga ninuno nila upang manatiling maligaya ang mga henerasyon ng kanilang pamilya?  Masisisi mo ba sila kung ganito ang nakasanayan nila?  Na para bang pinagbigyan nga silang makita ang liwanag at kumawala sa dilim ngunit alinsunod naman nito ay para din silang tinadhanang maghasik ng lagim?  E kung sa halip na sisihin mo sila e tumulong ka, mas okay kaya?

                Paano ginagawang pag-asa ng bayan ang kabataan?  Sa pamamagitan ng pagpapaluhod sa kanila sa isang bilao ng munggo sa tuwing sila’y nalalaglag sa hagdanan?  Bakit? Hindi naman nila kasalanan na mahina pa ang kanilang pangangatawan.  Siguro hindi sila dapat palakihin sa mata ng parusa.  Dapat lang natin silang palakihin na may pinaghuhugutang konsensya.

                Ano kaya ang pinakamahirap na trabaho sa mundo?  Albularyo?  Magtataho?  Tiga-maneho?  Sundalo?  Tigalinis ng banyo?  Panadero?  Babaero?  Sugalero?  Basagulerong katipunero na may onting bakas ng pagka-emo?

                E ang pagiging pulubi kaya mahirap?  Tipong pipira-pirasuhin mo ang mga parte ng katawan mo at tsaka ka manlilimos sa hindi mo kakilala sa kalsada.  Mahirap na trabaho o trabahong pang-mahirap?

                E ano ang trabahong pangmayaman?  Panggagantso o pagiging pangulo?  Wala bang pinagkaiba ang mga ito?

                Ngayon, isipin mo.  Tama bang bigyan ang mga pulubi ng limos o mas tamang hayaan na lang sila upang hindi sila matutong mang-abuso ng kapwa?  Minsan nakakalito ang mali sa tama.  Minsan walang mali.  Minsan walang tama.  Nasa iyo ang desisyon.  Bibigyan ka ng tanong.   Bumuo ka ng sagot.

                Bakit kailangan mag-ahit ng bigote?  Para malinis ang tingin ng iba sayo?  Paano kung maitim ang budhi mo at madumi talaga ang nasa kaibuturan ng ng puso mo?  Para mo na din bang pinlastik ang sarili mo?  Kailan kaya tayo magkakaroon ng maayos na gobyerno?  Sino ba talaga ang dapat na umupo sa trono ng pangulo?  Si Hesukristo?

By: Aze Eversen A. De Castro

No comments:

Post a Comment