Thursday, September 16, 2010

Bawal ang tao dito, doon ka sa bangketa

Bawal ang tao dito, doon ka sa bangketa
(If in doubt, consider unsterile.)

Ben: Mikes, nagtext na! Ayaw daw niya kumain.  Gusto na daw niya mamatay.
Aze (sa isip pa rin as usual): Tadyakan ko kaya ito sa alak-alakan.

                Hindi tayo tinuruan ng mathematics para magpakitang-gilas at gamitin ang algebra sa harap ng mga kahera.  Hindi tayo tinuruan ng mathematics para sukatin ang geometrical area ng mga kuko natin sa paa.  At hindi tayo tinuruan ng mathematics para maakit sa mga numerong kasalukuyang bumibilog sa ulo ng mga taong mukhang piso.

                Tandaan mo ito.  Nagaral ka ng mathematics upang maisapuso na sa bawat package ng problema na sa iyo’y irarasyon, mayroon at mayroon iyang kasamang instant solusyon.

                Bakit ba gusto mo nang mamatay? Kung akala mong marereincarnate ka, eh baliw ka.  Sige.  Maaaring mangyari nga ito.  Ngunit pagbalik mo dito sa mundo, isa ka na lang sa mga tinga ni Kris Aquino.  Sinayang mo ang buhay mo.

                Akala mo matutuwa ang mga nagmamahal sa iyo sa plano mo?  Akala mo mababawasan ang pabigat dito sa mundo kapag kinitil mo ang sarili mo?  Oras na itapon mo ang buhay mo, daig mo pa ang naglublob sa inidoro.  Kadiri ka.  Hindi mo kayang tagalan ang mga simpleng problema na sa iyo’y sadyang nakalaan na.  Hinanda ang mga ito upang palakasin ka.  Hinanda ang mga ito upang mag-enjoy ka. Hinanda ang mga ito upang buhayin ka.  Hindi para patayin ka. 

                Huwag kang mawalan ng pag-asa.  Hindi pa panahon para pigilin ang iyong hininga.  Bolahin mo muna si kamatayan.  Sabihin mo time-first muna.

                Tularan natin ang mga bata.  Kahit anong lunod mo sa kanila sa kumukulong kaning-baboy ay aahon at aahon ang mga iyan.  Marahil sila na nga ang mag-aahon sa Pilipinas.  Para silang mga glitters sa mukha.  Napakagandang tingnan.  Napakahirap alisin sa lipunan. 

Daig pa nila tayo.  Halos magkandadapa na sila sa pagtakbo makapagmano lang sa pari tuwing Linggo.  Pero tayo, mas gugustuhin pa nating i-GM na lang ni Father ang sermon niya at ipa-LBC ang oscha.

Ang mga bata, kabisado ang Angel of God at Panatang Makabayan pero tayo hindi.  Mas abala pa tayo kung sino ba talaga ang taong nasa likod ni Big Brother.  Bakit hindi na lang isama sa mga videoke and mga kantang ito upang hindi malimutan?  Bakit hindi nalang gawing gasolina ang alak? Upang sa halip na sumusuray-suray ay napapaunlakan natin ang ibang tao ng hanapbuhay.

Noong bata ka, hirap na hirap kang i-shoot ang ihi mo sa bowl niyo.  Ngayong malaki ka na, mas trip mo nang makipagpataasan ng ihi sa aso sa bawat pader na madadaanan mo.  Napakapanghi ng ugali mo.  Paano mo mahahanap ang mga solusyon sa problema mo kung ganito ang gawain mo.  Tapos sasabihin mong kamatayan lang ang sagot sa mga tanong mo.  Gago.  Huwag kang sumuko.  Ang kailangan mo lang ay magtino.  Wala kang karapatang magpakamatay. Maka-Diyos ka man o makasalanan, sakristan o Martian, si Gloria ka man o si Superman ay wala ka pa ring karapatan.

Paano ka mabubuhay kung gusto mo nang mamatay?  Paano ka sasaya kung ang bumubuhay sa iyo ay pera?  Paano mo malalaman kung panis na ba ang suka?  Mahirap diba?  Mahirap mabuhay.  Pero masarap mabuhay.

By: Aze Eversen A. De Castro

No comments:

Post a Comment