Thursday, September 16, 2010

Alabang Boys

Alabang Boys
(The Latest People Power Revolution)

Aze:  Bakit kaya Blue at Pink ang pinakulay ni Bayani Fernando sa lansangan?
Bon:  Para madaling makita kahit gabi man o umaga.
Aze:  Ahhh…
Bon:  Bakit?
Aze:  Baka kasi pwede ring B-lue for B-ayani at F-ink for F-ernando
Bon:  Ano naman kung ganoon?
Aze:  Baka isa itong long term goal (para kapit sa malakas sa susunod na halalang puno ng kalokohan)
               
                Matindi na ba talaga ang pangangailangan ng tao sa pera?  O matindi lang ang pagkaadik ng tao sa pera?  Parang droga na ba?  Parang asawa mo na?  Baka naman napalitan na rin niya maging ang ating Diyos na sinasamba.

                Kung ako sa mga talent manager, sa mga squatter’s area ako maghahanap ng mga bagong karakter sa Pinoy Big Brother.  May future sila doon.  Maraming future bold star doon.  Maraming nakahubad at nagtatampisaw sa mga poso’t balon.

                Habang si Imelda at ang kanyang mga katropa ay hindi magkandaugaga sa kabibilang ng mga damit nila.  Hindi mabilang, parang buhangin sa beach.  Napakarami.  Sila naman, parang bitch.  Napakarumi.  Leche.

                Umiihip ang tubig.  Inaalon ang hangin.  Lumalawak ang kalsada pero sumisikip and daan.  Dumarami ang sasakyan pero kumokonti ang courteous drivers.  Nagkaroon na ng mga notebook na si John Lloyd at Piolo Pascual ang cover na pinagtsisismisan.  Ubos naman ang puno sa kalikasan.  Dumarami na ang artista.  Kumokonti na ang hayop.  May mga hayop na nagiging artista.  May mga artistang nag-aasal hayop.  Binabalutan na tayo ng pagkawirdo.  Iisa na alng ang natitirang konkreto.  Pantay pa rin ang dami ng pulubi at magnanakaw.  Mga magnanakaw sa palasyo at mga magnanakaw sa kalsada.  Nagkahalo-halo na.   Pinaniniwalaan na ang multo.  Binabalewala na si Hesukristo.  Baliktad na ang ikot ng mundo mo.  Kulot na ang takbo ng isip ko.  Halo-halo na ang mga ideyang nagwrewresting sa utak ko.  Maghalo-halo tayo ngayong tag-init upang hindi uminit ang ulo.

                Sa mga jeep masarap mag-isip ng ganito.  Tipong iba’t-ibang klase ng tao ang nakatitig sa iyo.  Merong conyo.  Merong nakasando.  Merong nakasabit.  Merong pilit ipinagkakasya ang puwet.  Merong mga babaeng hindi nag-ahit, ang lakas pa ng anghit.  May mga dumudura.  May mga nagmumura.  May estudyante.  May natatae.  Merong buong biyaheng tulog.  Merong buong biyaheng sabog.  Paanong hindi ka magmimistulang naka-marijuana?  E pagkabilis-bilis ng takbo ng mga sasakyan ngayon.  Lahat competitive.  Sa sobrang barubal magmaneho ng drayber ay para kang may libreng masahe sa biyahe.  Ayaw mo na rin magbayad ng pamasahe.  Baka mga jeep  na ang susunod na sasakyang pang-giyera.  At mga pampasaherong drayber na ang mga susunod na sundalo.  Sa bilis ng takbo nila, hindi sila maabutan ng mga bala.  Sa galing nilang umiwas sa mga babangga sa kanila, walang dudang hindi sila tatamaan ng mga granada’t bomba.  Ang galing talaga ng gawang Pilipino.  Masama man at may katas ng demonyo.  At least hindi nawawalan ng pag-asa patungong asenso.  Metro gwapo.

                Sa mga jeep mo rin maririnig ang mga bumabayong tugtugan.  Sa hinaharap, baka ang mga sasakyang pampasada na ito ang maging bagong gimikang kababaliwan.  Sponsors na lang ang kulang.  Kaso ang mga dadayo lang rito ay ang mga kapatid nating makabayan.  Mga kantang Ingles na isinalin sa tagalog kasi ang maririnig mo dito kadalasan.  Sabi nila baduy daw ang gumawa ng mga kantang ganito’t ganyan.  Buti nga sila naaalala pa ang lupang tinubuan.  Buti pa sila nakasaludo kay Bonifacio at hindi kay Neyo.  Kung sumigaw kaya ako ng “May bomba!” sa loob ng jeep, may pagkakaiba kaya kung sumigaw ako ng “May ipis!”?  Tingin mo? Gaano na kaya kakapal ang pinturang inilapat sa atin ng pagiging conyo?

                Hindi ba ito nakikita ng mga pinuno?  Hindi ba ito nakikita ng mga hindi pinuno?  Bulag ba tayo? Bingi? Pipe?  Walang pakiramdam?  Walang pakielam?  Halo-halo na ang mga mabubuti at masasamang pangyayari sa mundo.  Hindi mo na alam kung balanse pa ba o may nakakalamang.  Baka balang araw, kapag hindi pa tayo nagtino, ay sakupin tayo ng mga langgam.

                Palitan na natin ng downy ang mga dugong dumadaloy sa ugat natin nang tuluyan nang lumambot ang mga puso natin.  Magsimula tayo ng bagong adhikain.  Siguraduhing lahat ay may maisasaing na kanin.  Huwag kang magmistulang mannequin.  Kumilos ka at ipagtanggol ang mga inaalipin.

                Ikaw ang bagong BAYANI.  Isang bayaning ngiti lang ng mga Pilipino ang tinatamasa at hindi ang buwis ng masa.

By: Aze Eversen A. De Castro

No comments:

Post a Comment